isang maikling katha
Tibok
Ng
Damdaming
Manhid
isang maikling katha
Ni Alexis Marian Ben Africa
Isinumite kay Mr. Dexter Cayanes
=========================================================
I
Sumalpok ang minamanehong kotse ni Angela bandang alas-tres ng madaling araw. Tila ligaw ang magarang sasakyan nito na nakabaranda sa isang makitid na daan.
Nasasapawan ng anino ng naglalakihang punong-kahoy ang tanging nagbibigay liwanag sa pangyayari – ang buwan. At mga tala lamang ang saksi sa naging trahedya ng dalaga.
Sa bilis ng pangyayari, nagulintang na lamang si Angela at ‘di na nagawang kumibo pa. Litaw ang pagkirot ng kanyang puso dahil manhid na ang buo niyang katawan. Lumipas ang maraming segundo’t unti-unti nang napikit ang kanyang mga mata. Hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng malay-tao.
II
Nagising siya kahapon ng may malalim na hinagpis sa buhay. Nababalot ng kalungkutan ang buo niyang katawan at ‘di na niya napigil na maluha sa kanyang kinahihigaan.
“Suko na ko,”
Puno ng pighati ang kanyang mga mata nang ito’y bigkasin.
“di ko na talaga kaya, hirap na hirap na akong isipin ka.”
Ayaw na sana niyang bumangon ngunit kinakailangan. Ilang oras na lamang at matatapos na siya sa kolehiyo – isang seremonyang ‘di dapat palampasin. Kailangan niyang magmartsa sa stage kahit hinihila pababa ang kanyang mga paa ng mabigat na kalooban. Marapat lamang na ngumiti sa harap ng kamera kahit nagdidilim na ang kanyang mundo.
Ganap ng sira ang kanyang hinaharap sa araw na dapat ipagdiwang ang kanyang kinabukasan.
III
Nagsimula ang lahat ng mahulog ang kanyang loob sa isang matalik na kaibigan. Apat na taon na rin ang lumipas mula ng maging malinaw sa sarili ang nadarama. Sa una’y binalewala niya ito tulad ng nakasanayang gawain tuwing may kumakatok sa damdamin. Tutal, ayaw rin naman niyang masira ang pagkakaibigang kanyang pinakaiingatan.
Naging pangkaraniwan lang ang kanilang mga araw sa piling ng iba pang kasamahan. Marami rin silang pinagdaanan – malungkot, masaya, at mga makabuluhang pangyayaring sa unang tingin ay walang kwenta.
Maayos ang lahat. Steady kumbaga. Parehong magaling sa paglilihim. Tunay na kapani-paniwala.
Ngunit ‘di naglaon, may karagdagan siyang naramdaman. Bagay na ‘di kagad napansin dahil na-priokyupa siya sa pagtatago ng nilalaman ng puso.
Napansin niyang iba ang pakikitungo sa kanya ng kaibigan kumpara sa iba pang kabarkada. Napuna niyang tila may ipinapahiwatig ang kilos ni Andrew na tulad ng nais sana niyang ipadama. Lumulukso ang puso niya sa tuwa ngunit ‘di pa rin niya ito ipinapahalata.
“Mahirap mag-assume,”… “baka mapahiya lang ako sa huli.”
Hindi lingid sa kanya na natatakot lang siya sa maaaring mangyari sakaling mali ang hinala niya. Kung tutuusin, may punto siya.
IV
Napakahaba ng gabi. Habang nakahimlay ang walang malay na katawan ni Angela, tila buhay na buhay naman ang kanyang isipan. Parang isang gawa sa takilyang pinapakita ang mga taong lumipas. Mga matatamis na alaalang nagbibigay buhay sa kanyang hininga.
Parang kahapon lamang ang mga tawanang pinagsaluhan ng barkada nina Angela at Andrew. Sariwa pa sa kanyang isipan ang mga oras ng kwentuhan at biruan.
Hindi maiaalis dito ang mga pagkakataong kinilig si Angela sa mga pahapyaw na tingin sa kanya ni Andrew tuwing nasa eskwelahan.
Halos matunaw siya tuwing inuulan ng puri ni andrew ang kanyang mga katha kahit alam naman ng dalaga na ‘di kagandahan ang mga sinusulat nito.
Hindi naglaon at nagkahiwa-hiwalay na ang barkada nila. Isa sa mga dahilan nito ay ang pagtungtong sa kolehiyo at pagpasok sa magkakaibang pamantasan. Subalit sa kabila ng lahat, tuluyan pa ring naging malapit ang dalawa sa isa’t isa.
Kahit na magkalayo ng eskwela, nagagawa pa rin nilang tumambay, magkwentuhan, at magtawanan.
V
Hindi na mapakali si Angela sa kinauupuan habang ginaganap ang Commencement Exercise sa kanilang pamantasan.
Binabagabag siya ng mga alaala ni Andrew. Naiinis siya dito dahil parang pinapaasa lang siya sa wala. Ilang taon na siyang nag-iintay ngunit ‘di pa rin niya alam kung ano ba talaga ang tingin sa kanya ni Andrew. Hindi niya alam kung anong lagay nila. Sila ba’y hanggang magkaibigan na lamang o mas higit pa ba rito ang maaaring patunguhan?
Pagod na pagod na si Angela sa kaiisip. ‘Di niya mahuli-huli ang tunay na nararamdaman ng kaibigan.
Lalo na ngayong mga nakaraang linggo na hindi na siya pinapansin nito. Hindi na siya kinakausap tulad ng dati. Nawala na ang pag-aarugang nararanasan tuwing magkasama sila. Tuloy, parang lumalabas pa sa sarili na naghahabol si Angela, isang bagay na kailan ma’y di niya maatim gawin sa iba.
VI
Inis si Angela sa sarili.
Laking yamot niya kapag naiisip kung paano siya nagpakatanga. Hindi dapat siya umasa upang ‘di na lamang nasaktan. Bumabalik sa kanyang isipan ang panahong ginugol niya sa loob ng pangarap na balang araw, pagdating ng tamang pagkakataon ay makakatuluyan din niya ang taong minamahal.
Marami namang iba diyan. Kay daming lalaki ang gustong magparamdam sa kanya ng pagmamahal. Ngunit bawat isa sa kanila ay hindi niya nakitaan ng kung anong natanaw niya kay Andrew.
Lumampas lamang ang mga ito nang hindi buo ang naging pagmamahal. Hindi lubos ang pagmamahal. Minsan, minabuti niyang bigyan ng pagkakataon ang isang sinisinta. Ngunit tulad ng iba, ‘di rin niya nailaan dito ang buong puso niya. At dahil sa husay niya sa pagpapanggap, nagawa niyang ilihim dito ang tunay na nadarama.
At ‘di naglaon, dumating ang ‘di maiiwasang karma. Mula sa taong iyon ay puro pasakit ang kanyang nakuha. Tiniis niya ito. Mukang namamanhid na siya. Ngunit sa pagdaan ng mga buwan, tila naubos na ang luha. Naubos din ang mga kaibigan niya ng kumprontahin ng lalaking iyon ang mga ito upang h’wag na siyang kausapin pa. Kinalabasan, ang relasyong iyon ay naging isang napakasariling samahan. Puno ng batuhan ng hinanakit at hinagpis.
Higit sa lahat, naputol ang komunikasyon sa gitna nina Andrew at Angela. Biglang naglaho ang taung-taon na tawanan. At para sa dalaga, nauwi ang lahat sa isang mahabang bangungot na kumukonsumo sa kanyang bawat hininga.
VII
Nang tuluyang matauhan. Walang naisip si Angela kundi tawagan ang isang pamilyar na numero. Ang natitirang numero na hindi pa napapawi sa kanyang isipan.
Nang sagutin ng kabilang linya ang tawag, biglang huminto ang ikot ng mundo. Pagkarinig sa boses ni Andrew, wala na siyang nagawa kundi humagulhol ng iyak.
Walang lumiban na salita sa linya ng telepono. Ngunit, daig pa nito ang isang libong talata. Pakiramdaman. At parang rumaragasang tubig na umagos ang mga damdamin. Tulad ng dati, namalagi ang dalawang puso sa liblib na estado.
Lumipas pa ang ilang buwan at tuluyang naghilom ang puso ni Angela. Tuluyan na ngang naisantabi ang kahapong binaha ng luha. At muli siyang nalapit sa mga kaibigang minsa’y naglaho dahil na rin sa kapabayaan.
At sa mga sumunod pang buwan, pilit na rin niyang isinantabi ang nararamdaman sa isang kaibigan.
Ngunit sa kalagitnaan ng isang maimtim na pag-uusap sa isa niyang kabarkada, nadapo ang tema sa kanilang lumipas na araw nung hayskul. Hindi sinasadyang naibukang bibig niya ang pangalan ni Andrew. Hanggang sa makarating sila sa isang rebelasyong gugulintang sa kanyang buhay… muli…
Lingid sa kaalaman ng kanyang kaibigan ang tinatagong damdamin para kay Andrew. Kaya naman walang pasintabing naikwento nito na lihim na may pagtingin sa kanya si Andrew mula pa nung dati.
Sa puntong ito, ‘di na nasigurado ni Angela kung naging mahusay pa rin ang pagtatago niya ng tunay na saloobin.
VIII
Patapos na ang seremonya ngunit ‘di pa rin mapayapa ang isipan ni Angela. Bumabalik-balik ang tinig ng kaibigang nakausap ng masinsinan.
Patuloy na umaalingawngaw. Parang niyayanig ‘di lamang ang kanyang isipan. Hindi na niya kaya. Gusto na niyang makawala sa palaisipang dalahin.
Tapos na ang martsa. Tapos na siya sa kolehiyo. Ngunit hindi sa kanyang dinadala. Kinagabihan, binabagabag pa rin ang kanyang isipan. ‘Di magtatagal at makalalaya rin siya sa mabigat na damdamin kahit man lamang panandalian.
Nais niyang makalimot. Makaligtas sa bagay na kumukunsumo ng natitira niyang lakas. Mukang lumalaban pa rin ang kanyang puso. Dahil sa kabila ng paglayo, sa dating tagpuan pa rin siya hinatid ng pusong nagnanasang sariwain ang dating masasayang araw.
Napakadilim. Pagtingala, pansing buwan lamang ang nagbibigay ningning sa kanyang kinalalagyan. Naisin man niyang iwang bukas ang ilaw ng dala-dalang sasakyan, malaking sugal kapag naubusan ito ng baterya. Delikado. Wala masyadong karatig na bahay sa daan.
Lalong lumalalim ang gabi. Lumulubha na ang sipa ng bote-boteng baon ni Angela. Hanggang sa naging isang malabong bulong na lamang ang damdamin. Nilalalamon na ito ng sigaw ng bumabaliktad niyang sikmura. Nais niyang ilabas lahat. Damdamin at lahat ng kinain.
Dali-daling dinukot ni Angela ang cellphone sa bulsa. Ilang segundong nakatitig sa numero. Maya-maya pa’t naipon ang lakas loob upang tapusin na ang lahat.
Ring… ring… ring… wala.
Ring… ring… ring… tulog ata.
Ring… click! “hello? Angela…”
Parang bulkang sumabog ang damdamin ni Angela. Halo-halong emosyon na ngayo’y rumaragasa papunta sa kabilang linya.
“Lam mo, mahal kita! Kaso, anlabo mo naman eh. Minsan, parang gusto mo rin ako. Pero kadalasan, binabalewala mo lang ako. Sabi nila, may nararamdaman ka daw nung hayskul. Ngayon? Meron pa ba? O nagbibiro-biro ka nalang? Playing safe ka kasi eh. Alam ko dahil *click* … ganun din ako.”
IX
Nag-aagaw ang liwanag at dilim. Patuloy na nagmamaneho si Andrew. Napuntahan na ata niya lahat ng matatambayan ni Angela. “San ba naman kasi yun nagpunta?”
Pumasok sa kanyang isipan ang pinagsaluhang ice cream sa tambayang sunod niyang babaybayin. Ngunit, malayo-layo pa siya rito’y may nakita siyang isang sasakyang nakabalandra sa makitid na daan. Siya’y nagulintang. ‘Di makapaniwala.
Nang matukoy ang siyang kinalalagyan ng kaibigan ay dali-dali niyang hinugot ang cellphone at tinawagan ang pinakamalapit na ospital na kanyang alam. Natagalan ang mga itong makarating dahil may pagkamaliblib ang lugar.
Sa kasamaang palad, hindi na umabot si Angela sa ospital. Hindi kinaya ng kanyang puso ang trahedyang dinaanan. Bumigay ito sa lakas ng impact ng kanyang pagkabangga. Nakadagdag pa sa paghina ng kanyang puso ang taun-taong pagkikimkim. Sa kumplikasyon sa pusong kala ng kanyang pamilya ay nalampasan na niya pagtungtong ng hayskul.
X
Sa isip-isip ni Andrew, sana’y nagpalit na lang sila ng puso. Upang sana’y naramdaman man lamang ni Angela ang tibok ng kanyang damdamin.
-WAKAS-
No comments:
Post a Comment