Ibang klaseng Hang Over
Ni Alexis Marian Africa
Nakapagtataka. Sa dami ng nainom ko kagabi, himala yata at wala akong hang-over. Teka, nasaan na nga ba ako? Ah, nandito lang pala sa may kanto. Ayos din ‘tong sina Tisoy ah, ‘di man lang ako hinatid hanggang bahay. Nakatulog lang ako sa tsikot n'ya, iniwan na lang ata ako dito basta. Peste naman o, maglalakad pa ko.
Hayyy, nalasing siguro ng husto ang mga gago.
Sabagay, marami na rin namang katuwaang naranasan tuwing nag-iinuman kami. Hahaha, katuwaan pa? Sabihin mo, kalokohan! Wala na talagang sasaya pa, kapag pinapainit ng toma ang aming samahan. Tama na nga ‘to. Dramachine na naman ako. Hay, hirap naman kasi magsalita mag-isa.
Uy, bukas na ang tindahan ni Aling Pepang. Makapag-yosi kaya muna? Malayo-layong lakarin din ‘to eh.
Aling Pepang! Pagbilhan ninyo nga ako ng yosi! Yung dati pa rin, salamat!
Aling Pepang naman eh, puro kayo TV! Por que humahaba na listahan ko sa inyo, ‘di n’yo na ko pinapansin. ‘Wag kayong mag-alala, bayaran ko lahat yan pagdating ng pasukan. Kayo naman o, 'la pa lang akong baon ngayon.
Hay naku, bakit ‘pag kay kuya Rolly, abot agad kayo. Eh mas bigats naman ako dun!
Asan na nga pala kaya ‘tong si kuya? Kala ko hahabol siya sa inuman kagabi? Kasi naman, inuna pa mga pa-party party niya eh. Siguradong doon pa lang eh lasing na yun. Lakas kasi tumagay eh, kala mo sa kanya lang umiikot ang baso.
Teka, uuwi na ba ‘ko? Makabili kaya muna ng load at maitext si Shirley? Kamusta na kaya yung babaeng yun… Ang KJ naman kasi eh, ‘di pa sumama. Lungkot tuloy. Finals daw… Pa-summer-summer classes pa kasi.
Ayaw makinig sakin. ‘Wag ng mag-aral, nakakasira lang ng barkada yan! Hehehe… Bugoy! Pero sabagay, dapat sabay kami grumaduate ‘nun ah…
Naku, wala pala ‘kong pera. Naiwan ko ata wallet ko sa kotse nina Tisoy. Malas naman. Kay Mommy na lang ako makikitext. **cha naman o, ‘di rin pala ‘ko makakabili ng yosi. Makauwi na nga.
Hay salamat, nakarating din sa wakas. Ano ba naman ‘tong si Inday, iniwan na namang bukas ‘yung gate. Hirap pa naman ng panahon ngayon, ‘la ka ng mapagkakatiwalaan. Pwedeng malasin ka na lang ng bigla-biglaan.
Bah! Daddy! Himala ‘ata nasa bahay kayo ngayon. Mukang nakalibre kayo sa office ah? Hehehe… kala ko dun na kayo nakatira. Sabi ko naman sa inyo dad, tutulungan na namin kayo ni kuya sa business natin. Hindi lang naman alcohol ang dumadaloy sa kokote namin eh. Lalo na ngayon at konting tiis na lang, baka magtapos na ko sa kolehiyo. Tamang-tama yun. Trabaho sa umaga, toma sa gabi. Ayos ba yun dad?
Hay naku, simangot pa rin si erpats, parang walang narinig ah. Nakakatanggal talaga siguro ng sense of humor ang trabaho. Buti na lang at extended ako sa kolehiyo…
Tina! Tina! Asan ka bang bata ka? Kanina ka pa tinatawag ni daddy! Hoy!
Puntahan ko na po sa kwarto, baka nagkukulong na naman yun. Pasensya nga po pala at inumaga na naman. Hay, heto na naman po kami, ‘di na naman ako kikibuin…
TINA! TINA! TINA! HOY!
And’yan ka lang pala sa kwarto, ayaw mo pang sumagot! Nagkukulong ka na naman d’yan! Konting tukso lang ng mga kalaro mo, iyak ka na kagad! Lampa ka talaga.
O, dad! Sabi ko sa inyo, nandito lang ‘tong batang ‘to eh.
Ha? Ano? Ospital? Bakit andun si kuya at si mommy? Naaksidente ba si kuya? Ba’t naman walang nagsabi sakin? Pambihira naman o! Ano na’ng lagay niya? Sige, dumiretso na kayo dun, maliligo lang ako at susunod na ‘ko. Grabe.
Ano kayang nangyari kay kuya? Kaya siguro hindi na siya nakasunod sa hacienda. Dapat kasi hindi na siya dumayo ng inuman sa malate, delikado kasi dun.
Naman ‘tong si Inday o, kanina pa yung doorbell, ayaw pang pagbuksan. Lahat na lang ba ng bagay dito, ako ang gagawa? Leche naman o.
Eh ako na rin kaya magluto noh?!
K-kuya? Anong ginagawa mo dito? Kala ko nasa ospital kayo ni mommy? Kuya, magsalita ka! Anong nangyari kay mommy? Sabihin mo sakin. Ano bang problema mo!?! Karipas ka kagad sa TV! Yan na naman aatupagin mo, kita mong kinakausap ka ng tao!
O, ano? Ba’t tulala ka dyan? Kaw din Inday, puro kayo TV! Wala ng mababago dyan sa balita! Wala na kayong magagawa at leche talaga ang panahon ngayon. Puro walang kwenta nilalabas sa news…
Anak ng tinapa! Mga ganang balita, dapat ‘di na pinapakita sa TV. Baka magulintang mga batang nanonood niyan. Teka, kotse ni Tisoy yan ah…
30 January 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment